Ang Sabi Ko Sa Iyo
Bumalong ang dagta
sa hiniwang kaymito.
Namuo sa talim
ng kutsilyo ang ilang patak.
Diyan ako naiwan, mahal,
at hindi sa laman.
-Benilda S. Santos
Lantay
Sa pinakasulok ng katahimikan
Nagaganap ang pagtatalik.
Naroon ang apoy sa palad
At ang panalangin ay mga rosas
Na marahang-marahang lumalapag
Sa puyo nitong dibdib,
Mamumuo ang init
Sa puspos na halik,
At sa mariing pagpikit,
Pupulandit ang liwanag
Ng pula sa tinik.
-Rebecca T. Añonuevo
Minsan na akong tinanong sa isang antolohiya ng erotika, kung saan napabilang ang isa sa aking akda, kung papaano raw ako nagsusulat ng erotika. Ngayong binabalikan ko ang aking sagot na “sinisimulan ko sa aking katawan,” nanghihilakbot ako sapagkat halos hindi ko pa pala talaga naisasakataga ang ano mang anyo ng erotisismo sa alin man sa aking tula. Liban sa kuwentong iyon na napasama sa antolohiya, wala pa akong naisusulat talagang akdang “erotiko”, samantalang may pagpapakahulagan na ako sa dalumat nito bilang “mga akda na may kinalaman sa paghagilap ng katawan sa pinakarurok o kaganapan ng pag-aasam.” Sa pagninilay na ito, muli kong binabalikan ang kung papaano kong binalangkas kamakailan ang aking pagpapakahulugan sa erotika, at hindi ko muling maiwasang idawit ang ugnayang-klasiko nito sa Griyegong “Eros”, na pangalan din ng diyos ng pag-ibig. Ngunit dahil nga nagsisimula talaga ito sa katawan, nasisiyahan akong muling pagtabihin ang dalawang tulang naririto, ang “Ang Sabi Ko Sa Iyo” ni Benilda S. Santos, at “Lantay” ni Rebecca T. Añonuevo, na noon pa ma’y binabanggit ko nang matitimpi’t mahuhusay na halimbawa ng paghahayag ng sinasabi kong “pinakarurok o kaganapan ng pag-aasam”. Dalawang babaeng makata na may pitak sa puso ko sina Santos at Añonuevo dahil dalawa sila sa mga kauna-unahang inaral ko bilang nagsisimulang makata. Hindi ko alam kung bakit. Hindi man ako nakapagsusulat pa ng masasabing “erotikong” tula, naituro sa akin ng dalawang makatang ito ang kung papaanong sinisimulan sa katawan ang paglalahad sa mga pinakakukubling danas at intimidad—na pawang tinatangkang saklawin ng poetikong danas. Madaling ihanay ang mga tulang ito sa “erotika” sapagkat kapwa nila tinatalakay ang pagtatalik bilang danas-kaganapan. Ngunit ang nagbibigay ng kakaibang anyubog sa maiikling tulang ito ay kung papaanong ipinagdiriwang ng dalawang tula ang katawan—ang katawang babae—bilang altar ng pagnanasa. Kapwa dumaranas ng masasabing rurok ang mga katawang-babae rito sa kanilang pagtamasa sa malinaw namang talim ng mga phallic na sagisag—ng “talim” na ipinanghiwa sa “kaymito” ng tula ni Santos, at ng “tinik”, na pinagpupulanditan ng “liwanag/ng pula”. Nakamamangha ang ganitong pahiwatig ng dalawang makatang babae at kapwa nila matagumpay na nakakasangkapan ang sinasabi ngang “objective correlative” (paggamit sa isang kongkretong bagay na maaaring kumatawan sa damdaming nais na ipahayag sa tula), upang itanghal ang lihim na ligayang sumisikdo sa kanilang pakikipagniig sa iniibig.
Ang kay Añonuevo ang tuwirang nagbabanggit ng salitang “pagtatalik”, at dito sa kaniyang tula naipamamalas ang pagsamba mismo sa katawang-babae bilang banal na lunan ng pagnanasang walang nagmamay-ari kundi ang may katawan. Hindi halos natin madama ang presensiya ng katawang-lalaki, at halos pinatatahimik ito (marahil dito nga pumapasok ang politika ng kasarian sa matulaing dinamiko) sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa sinekdoke (ang “palad” ng mangingibig, kung saan nag-aalab ang “apoy”). Hindi ito kung gayon hinggil sa rurok na nadarama ng lalaki sa panahon ng pagtatalik, kundi sa rurok na inaasam ng babae habang hinahaplos, iniirog, sinasamba siya ng minamahal. Ang pagdiriwang na ito sa katawan ng personang naglalahad [tinutukoy niya ang katawan sa linyang “sa puyo nitong dibdib” (akin ang diin)] ay higit na umiigting sa paggamit ng bumibigkas sa natatanging mga talinghagang halos sumakop na sa pagka-sa-ibang-daigdig ng alindog at libog na lumulukob sa kaniyang katawan: “At ang panalangin ay mga rosas/ Na marahang-marahang lumalapag/ Sa puyo nitong dibdib”; “Pupulandit ang liwanag/ Ng pula sa tinik”; maging ang simulang, “Naroon ang apoy sa palad.” Magiit ang panghalip na pamatlig na nito sa “sa puyo nitong dibdib” dahil ang lahat ng mga nabanggit ay doon nagaganap sa kaniyang katawan, maaari, kasama na ang “pagtatalik” na nagaganap “(s)a pinakasulok ng katahimikan” Maaaring mapagkamalang autoerotiko ang tula (bagaman may paggigiit din ng kapangyarihan ang gayong pag-iisa na maaaring tukuyin sa dalumat na “katahimikan”) dahil nagpapanukala ito ng panibagong pagtingin sa dinamiko ng babae at lalaki sa kama. May kahiwagaan ang konpigurasyong pinili para sa bumubigkas sa tula, at itinatatag nito ang halos hindi nagpapahuling halinghing ng kaganapan ng nagmamay-ari ng katawan. Sa ganito maaaring tingnan ang erotisismo ng tulang itong muli at muling bumabalik sa diskurso ng kaakuhan at kasariang hindi basta-basta nagpapakulong sa ano mang pagtataya, kahit sa usaping pangkama. Inilalarawan ang misteryo ng katawan, hindi bilang ekstotikong species kundi pagkataong higit pa sa nasasalat, nayayakap, naaari: hindi basta-basta naaangkin at nagpapaangkin.
Si Santos naman ay nagpapahiwatig, nagpapaliwanag sa pamamagitan ng isang mabunying ilustrasyon ng pagtatalop at maya-maya pa’y pagkain ng kaymito. Imahen ang ipinamamalas sa atin, sa halip na mahiwagang pahayag. Napakapayak ng larawan kung mamasdan—“Bumalong ang dagta/sa hiniwang kaymito”; at “Namuo sa talim/ang isang patak.” May bahid ng imahenismo ang tulang ito, na nagtutuon ng pansin sa kapangyarihan ng larawang susuysuyin ng isang matalinghagang pangungusap: “Diyan ako naiwan, mahal,/at hindi sa laman.” Maraming paraan ng pagtitig sa tekstong ito na maaaring magbigay-diin sa “erotikong” katangian nito—masdan na lamang halimbawa sa isang “semiotikong” sistema ang konpigurasyon ng “dagta”, “hiniwa”, “talim”, at “patak”, na lalong nagiging malagkit (kasinglagkit marahil ng dagta ng kaymito) kapag inihanay na sa “mahal” at “laman”. Lahat nang ito’y masasabing tumutukoy sa ipinahihiwatig na pagdako ng lalaki sa pagkababae ng may katawan. Madulas ang pagkakadalumat ni Santos sa tulang ito, at napakahirap mawari ang tunay na pangyayari sa tula—tinimpi nito ang narasyon na uminog lamang sa imahen, at sa sinasabi (ang pamagat, tandaan, ay “Ang Sabi Ko Sa Iyo”). Bagaman alam natin na ang sinasabi nga talaga ng tinig dito ay “Diyan ako naiwan, mahal,/ at hindi sa laman,” maaari pa ring umalingawngaw ang tanong na ano nga ba talaga ang sinabi ng persona sa kaniyang “mahal” hinggil sa hiniwang kaymito? Maaaring maging susi natin ang pagbabalik sa katawan bilang lunan ng pagnanasa: ang katawan bilang presensiya, sa kabila ng tila ba marahas na pagdako (ang pandiwang tiyak na nababagay maging sanhi ng paghiwa at pagbalong ng dagta), ay nananatiling buhay, sa kabila ng “pagpasok” ng pigurasyong lalaki. Iyan marahil ang sinasabi ng “Diyan ako naiwan, mahal,/ at hindi sa laman”, na naroroon siya sa sumugat sa laman (at hindi sa nasugat na laman), sa maaari’y phallic na sagisag na nagmamalaking sumasakop sa kalooban ng may katawan. Kakatwang isiping ang imahen ng dagta’y madalas na pinandidirihan at kung maaari’y hinuhugasan kaagad dahil ito’y matagal kung manikit (ito ang ayaw natin sa mga bungang-kahoy—nagdadala ito di lamang ng lagkit, pati na rin bahid). Mukhang nagbababala na pala ang persona, lalo’t kung babalikan ang pamagat na “Ang Sabi Ko Sa Iyo”, na hindi nga ba isang pahayag ng isang nakapagpatunay sa haka? May “mapanakop” at “makapangyarihang” bisa ang dagta sa talim na humiwa sa kaymito, na ginamit na tanda sa katawan, o katawang-babae para sa tula. Nakikipag-isa ito sa kadaupang-palad na katawan sa pamamagitan din ng pananakop nito rito (ang dagta kung gayon ay marka ng kaniyang panlulukob!). Tulad ng katawan sa tula ni Añonuevo, iginigiit ng katawan sa tula ni Santos ang lantay na kakayahan na maging kaisa at kapantay ng babae sa larangan ng ugnayang-pantao at ugnayang-sekswal sa heterosekswal na kaayusan. Senswal ang mga tula dahil binabalikan nila ang primal na mga birtud ng katawang-babae upang supilin ang mga mapaniil na pagtataya rito. Sa isa pang tula ni Añonuevo, sasabihin niyang “mabuti na lamang at sa panahong ako ito/ipinanganak na babae.” Sa ngayon, ang erotika, bago maging erotika, ay nangangailangan muna ng masidhing kaalaman at kamalayan hinggil sa katawan—na tunay namang ipinamalas ng mga tulang ito. Isa pa, hindi lamang din ito pagkasangkapan sa katawan bilang kasangkapa’t ahensiya ng katuparan ng pagnanasa (kung ito ang hanap natin sa pagbabasa, magtiyaga na lamang sa porn). Lalo na, hindi lamang ahensiya ng katupdang ito ang katawang-babae, na malaong naging sentro ng obhektipikasyon sa larang ng sining, lalo sa kamalayang Kanluranin. Sa tula ni Añonuevo, muling pinalalantay ang danas ng rurok sa pamamagitan ng pagdiriwang sa katawan, hindi lamang bilang paraiso ng mangingibig, kundi lalo na, paraiso ng sarili; kay Santos, iginigiit naman ang rebisyon sa dinamiko ng pagtatalik, at ipinamamalas ang kung papaanong nagagapi din mismo ng babae ang pagtatalaga sa kaniya sa espasyo ng pag-ibig at lunggati ng phallocentrismo, ang tiraniya ng pagkalalaki.
LJ Sanchez. "Proyekto Siyento: 100 Araw, 100 Tula: Eros" 26 Jan. 2013. 20 Mar. 2013 </teacherljsanchez.com>